GENERAL SANTOS CITY- Bilang pagtugon sa sinumpaan tungkulin, nagbuwis ng buhay ang isang bagitong pulis matapos makasagupa ang dalawang napatay na hitman sa isinagawang operasyon noong Miyerkules sa lungsod na ito.
Kinilala ni Brig. Gen. James Gulmatico, director ng Police Regional Office-12, ang nasawi na si Patrolman Benjamin Donton Difuntorum III, kasapi ng General Santos City Police Office.
Namatay din sa engkwentro ang dalawang target na suspek na sina Jessie Semina at alyas Tagre, kapwa sangkot sa ilegal na droga at itinuturong pumaslang sa isang babae na si Didith Alejandria, sa nabanggit na lungsod.
Sa report ng GSPO, Miyerkules ng gabi ay inilatag ang operasyon laban sa mga suspek sa Barangay Baluan, ng naturang lungsod matapos makatanggap ng ulat hinggil sa pinagtataguan nina Semina at Tagre.
Pagdating sa nasabing lugar, agad na sinalubong ng putok ng mga suspek ang mga pulis na nauwi sa palitan ng putok at tumagal ng ilang minuto.
Sa gitna ng putukan, tinamaan si Difuntorum III sa iba’t ibang parte ng katawan ng naging sanhi ng agaran nitong kamatayan at hindi na rin nagawa pang makatakas ng mga suspek makaraang tamaan ang mga ito ng bala ng baril na nagresulta ng kanilang kamatayan. Mary Anne Sapico