Home METRO Barangay tanod itinumba sa harap ng 2 anak

Barangay tanod itinumba sa harap ng 2 anak

COTABATO- Pinagbabaril-patay ang isang barangay tanod sa harap mismo ng kanyang dalawang anak na babaeng menor-de-edad habang sakay ng kanilang payong-payong, kahapon ng hapon sa bayan ng Aleosan.

Kinilala ang biktimang si Amilil Sasamin Lumenda, 25-anyos, residente at volunteer BPAT ng Barangay Colambog, Pikit, Cotabato.

Batay sa report ng Aleosan Municipal Police Station, bandang alas-2 ng hapon noong Huwebes naganap ang krimen sa Sitio Upper, Barangay Tapodoc, Tugunan, Special Geographic Area (SGA) Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang payong-payong sakay ang 12 at 10-anyos na mga anak na babae.

Pagsapit sa nabanggit na lugar ay bigla na lamang silang hinarang ng mga armadong kalalakihan at naglabas ng mataas na kalibre ng armas saka pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Nagtamo naman ng sugat ang dalawang anak na agad dinala sa ospital at nilapatan ng lunas.

Hinala ng pulisya, personal na alitan ang motibo sa krimen.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang ginagawang manhunt operation ng pulisya at militar laban sa mga suspek na mabilis tumakas matapos ang krimen. Mary Anne Sapico