Home NATIONWIDE 3 katao sinaksak sa cruise ship

3 katao sinaksak sa cruise ship

ALASKA – Inaresto ng mga awtoridad ang isang empleyado ng cruise ship mula South Africa matapos na atakehin umano ang isang babae at dalawang security guard gamit ang gunting.

Ayon sa U.S. attorney’s office, sinampahan na ng reklamong assault with a dangerous weapon maritime and territorial jurisdiction ang lalaki sa pananaksak sa tatlo katao.

Sa affidavit mula kay FBI Special Agent Matthew Judy, ang lalaki ay tinanggap na magtrabaho sa cruise line at sumama sa cruise ship na Norwegian Encore, sa Seattle noong Linggo.

Naglayag ang barko nang araw na iyon para sa isang linggong biyahe patungo sa Alaska port.

Nangyari ang insidente habang ang barko ay nasa kanlurang bahagi ng Vancouver Island, British Columbia, patungong Alaska. Sa affidavit, gabi ng Linggo nang makita ng mga tauhan ng barko ang lalaki na tangkang gumamit ng lifeboat.

Dinala ito ng security sa medical center para sa evaluation.

Habang nasa clinic, “he became irrational and attempted to leave,” at pisikal na inatake ang guard at nurse.

Tumakbo ito patungo sa isa pang kwarto at doon kumuha ng gunting saka sinaksak ang babae na sinusuri rin, kasama ang dalawa pang guard na sumubok pigilan ang lalaki.

Hindi naman maikokonsiderang “life-threatening” ang tinamong pinsala ng tatlong indibidwal.

Dumating ng Juneau ang barko nitong Martes, saka inaresto ng FBI ang suspek. RNT/JGC