Iprinisenta ng NBI sa publiko ang tatlong naarestong suspek na sangkot sa organ trafficking. Danny Querubin
MANILA, Philippines- Iniharap ng National Bureau of Investigation (NBI) sa publiko ang tatlong naarestong indibidwal na sangkot sa organ trafficking sa Bulacan.
Larawan kuha ni Danny Querubin
Sinabi ni NBI Director Judge Jaime B. Santiago na nakatanggap ng reklamo ang NBI-NCR kaugnay sa ilang indibidwal na sangkot sa kidney organ trafficking.
Sa presentasyon ng NBI sa mga suspek, ibinunyag na nagre-recruit ang mga suspek ng kanilang bibiktimahin at pinadadali ang paglipat ng kanilang kidney organ sa kanilang kliyente kapalit ng bayad na P200,000.
Larawan kuha ni Val Leonardo
Matapos maiabot ang downpayment sa biktima, inililipat ito sa bahay na matatagpuan sa Brgy. Tungkong Mangga, SJDM, Bulacan Province kung saan ito sasailalim sa iba’t ibang proseso hanggang mailipat ang kidney.
Bilang agarang aksyon sa nasabing impormasyon, tumulak ang NBI at social workers ng SJDM City Social Welfare and Development Office, para sa rescue operation na nagresulta ng pagkakasagip sa siyam (9) na biktima.
Naaresto naman ang mga suspek na sina Angela Atayde, Marichu lomibao, at Dannel Sicat.
Kinilala ng mga biktima ang tatlo bilang grupo na nagpoproseso ng kanilang kidney transfer.
Nakatakas naman ang lider at head nurse sa National Kidney nad Transplant Institute (NKTI) na si Allan Ligaya.
Itinurn-over na ang mga biktima sa kustodiya ng Social Workers of the City Social Welfare and Development Office ng SJDM, Bulacan Province.
Larawan kuha ni Val Leonardo
Ang mga suspek naman ay sinampahan na ng kasong paglabag sa Expanded Anti Human Trafficking Act. Jocelyn Tabangcura-Domenden