MANILA, Philippines- Tumaas ng 30 porsyento ang kaso ng dengue noong Hunyo 29 sa gitna ng panahon ng tag-ulan, sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Martes.
Inihayag ng DOH sa kanilang pinakahuling datos, iniulat ang 6,323 kaso ng dengue noong Mayo 19 hanggang Hunyo 1 o simula ng tag-ulan, mas mataas kumpara sa 8,246 mula Hunyo 2 hanggang Hunyo 15.
Ayon sa DOH, inaasahan na ang pagtaas ng kaso ng dengue bunsod ng mga pag-ulan, na nagreresulta sa stagnant water na pinamamahayan ng mga lamok.
Kapag pinabayaan ang nakaimbak na tubig ay nagiging sanhi ito ng pagdami ng Aedes aegypti mosquitos na responsable sa paglaganap ng dengue.
Ang kabuuang bilang ng dengue cases mula pagpasok ng taon ay nasa kabuuang 90,119 na may 233 pagkamatay.
Ito ay mas mataas ng 19 porsyento kumpara sa nakaraang taon na may kabuuang 75,968 sa parehong panahon, ayon sa DOH.
Base sa epidemic curve, nabanggit na ang mga kaso sa lingguhang batayan noong 2024 ay lumampas sa naobserbahan noong 2023 mula Enero 1 hanggang Mayo 11.
Mula Mayo 12 hanggang Hunyo 29 naman, ang lingguhang mga numero ng kaso ay bumalik sa alinman sa ibaba o bahagyang mas mataas sa naitala noong 2023.
Sinabi ng DOH na maaring maiugnay ito sa patuloy na pinaigting na pagsisikap ng lokal na pamahalaan upang puksain ang mga lamok sa pamamagitan ng paghahanap at pagsira sa kanilang breeding water.
Sa nakalipas na anim na linggo bago ang Hunyo 29, na-monitor ang pagsirit ng kaso ng dengue sa rehiyon ng Mimaropa, Cagayan Valley, Western Visayas, Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon at National Capital Region.
Pinayuhan ng DOH ang publiko na sundin ang “4S strategy” para labanan ang dengue. Jocelyn Tabangcura-Domenden