Home NATIONWIDE 3 lindol yumanig sa Mindanao sa loob ng 24 oras

3 lindol yumanig sa Mindanao sa loob ng 24 oras

29
0

MANILA, Philippines – Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs ang tatlong lindol na may lakas na magnitude 5.0 hanggang 5.5 sa Mindanao sa loob ng 24 oras, kabilang ang magnitude 5.2 na lindol sa karagatan ng Davao Oriental noong Lunes ng umaga, Mayo 25.

Ayon sa Phivolcs, nangyari ang pinakahuling lindol alas-10:32 ng umaga, 75 kilometro hilagang-silangan ng Baganga, Davao Oriental, sa lalim na 10 kilometro.

Naitala ang Intensity I o bahagyang naramdaman sa Nabunturan, Davao de Oro. Posible rin umanong magkaroon ng aftershocks matapos ang offshore earthquake.

Nauna rito, dalawang lindol din ang tumama malapit sa Bayabas, Surigao del Sur—isang magnitude 5.0 noong 9:19 ng gabi ng Mayo 24 at magnitude 5.5 noong 12:48 ng madaling araw ng Mayo 25.

Naramdaman ang magnitude 5.5 na lindol sa Intensity IV sa Bayabas at Tandag City sa Surigao del Sur, at sa Claver, Surigao del Norte.

Naitala naman ang Intensity III sa Cagwait at Lingig sa Surigao del Sur, at Hinundayan sa Southern Leyte.

Intensity II naman ang naramdaman sa Bislig City sa Surigao del Sur; Nabunturan, Compostela, Montevista, at Monkayo sa Davao de Oro; San Francisco at Sogod sa Southern Leyte; Baybay City, Abuyog, at Hilongos sa Leyte; at Gingoog City sa Misamis Oriental.

Samantala, Intensity I ang naitala sa San Fernando, Bukidnon at Dulag, Leyte.

Ayon kay Phivolcs science research specialist Bhenz Rodriguez, hindi magkakaugnay ang mga lindol sa Davao Oriental at Surigao del Sur.

Aniya, posibleng dulot ang mga ito ng paggalaw sa Philippine Trench ngunit mula sa magkaibang bahagi ng fault segment.

Dagdag pa ni Rodriguez, aktibo ang bahaging ito ng trench kaya posible pa rin ang mga mahihina hanggang katamtamang lindol matapos ang mas malalakas na pagyanig. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here