Home METRO 3 magpipinsan todas sa pamamaril

3 magpipinsan todas sa pamamaril

ZAMBOANGA CITY- Patay sa pamamaril ang tatlong magpipinsan sa Barangay Tetuan sa lugar na ito nitong Biyernes.

Kinilala ng Zamboanga City Police Officer ang mga biktima na sina Anthony James Villanueva, 21; Troy Ducoyan, 24, at Jovert Navarro, 40, kapwa residente ng Barangay Talon-Talon, ng lungsod na ito.

Batay sa imbestigasyon, pauwi na ang mga biktima sakay ng motorsiklo nang harangin sila ng dalawang Sports Utility Vehicles. Bumaba ang isang lalaki mula sa isa sa SUVs at pinagbabaril ang mga biktima. Tumakas naman ang mga sasakyan patungo sa Alfaro St.

Natagpuan ng mga pulis na nakahandusay ang mga bangkay malapit sa kanilang motorsiklo. Dinala sila sa ospital kung saan sila idineklarang patay.

Base pa sa imbestigasyon, nag-iinuman ang mga biktima sa isang nightspot sa Barangay Tetuan bago ang insidente at nasangkot sa away sa grupo ng mga kalalakihan sa parking lot. 

Hindi tinukoy ng mga pulis ang gunman subalit mayroon nang person of interest batay sa testimonya ng mga saksi. Gumugulong na ang pursuit operation. RNT/SA