Home NATIONWIDE SC: Demand letter ‘di rekisitos sa judicial foreclosure

SC: Demand letter ‘di rekisitos sa judicial foreclosure

MANILA, Philippines- Hindi kailangan ng extrajudicial demand gaya ng demand letter bago magsampa ng kaso sa korte para sa judicial foreclosure o pagremata ng ari-arian, maliban kung malinaw na nakalagay ito sa batas o napagkasunduan ng mga partido.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Mario V. Lopez, pinagbigyan ng Korte Suprema ang petisyon ng Goldland Tower Condominium Corporation (Goldland) na kumuwestiyon sa pagbasura ng Court of Appeals sa kanilang action for judicial foreclosure laban kina Edward L. Lim (Lim) at Hsieh Hsiu-Ping (Ping) dahil sa kawalan ng “demand.”  

Nabigo si Ping na magbayad ng ₱4.6 milyon bilang association dues sa Goldland, na itinala bilang lien sa titulo ng kanyang condominium unit. Si Lim ang bagong may-ari ng unit, na hinahabol ni Goldland.

Depensa ni Lim, wala siyang natanggap na extrajudicial demand.

Kinatigan ng korte ang naunang desisyon ng Regional Trial Court at iginiit na ang isang creditor o pinagkakautangan ay may karapatang maningil ng bayad kapag ang utang ay dapat nang bayaran, sa korte man (judicial demand) o sa labas ng korte (extrajudicial demand). May karapatan din ang creditor na simulan ang pagremata sa security para mabayaran ang utang.

Sa ilalim ng Article 1169 ng Civil Code, hindi kailangang magpadala ang isang creditor ng extrajudicial demand bago magsagawa ng isang judicial demand, maliban kung nakasaad sa batas o napagkasunduan ng mga partido. Teresa Tavares