MANILA, Philippines – Tatlong minero ang nasawi sa Pantukan, Davao de Oro matapos gumuho ang lupa sa isang minahan kasunod ng malalakas na lindol na yumanig sa Davao Oriental noong Biyernes.
“Nasa mining site kasi sila tapos may gumuho na lupa, natamaan sila ng malalaking bato,” ayon kay Anecito Aguilar Torrejos, tagapagsalita ng pamahalaang panlalawigan ng Davao de Oro. Narekober na ang mga bangkay ng mga biktima, habang nailigtas naman ang iba pang minero.
Ipinag-utos ng pamahalaang panlalawigan ang pansamantalang suspensyon ng lahat ng operasyon ng pagmimina habang isinasagawa ng mga ahensya gaya ng Mining and Geosciences Bureau ang pagsusuri sa lugar. Nakatutok din ang Department of Social Welfare and Development sa pagbibigay-tulong sa mga apektadong minero.
Samantala, ligtas nang nakabalik sa mga ospital ang mga pasyente na pansamantalang inilikas sa mga tent at evacuation center, kabilang ang mga nasa Davao Regional Medical Center at Southern Philippines Medical Center. Isang ina rin ang ligtas na nanganak sa evacuation area. RNT