Home METRO 3 MWP nadakip sa pinaigting na manhunt ops ng SPD

3 MWP nadakip sa pinaigting na manhunt ops ng SPD

MANILA, Philippines – Tatlong Most Wanted Persons (MWP) ang nadakip sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya nitong nakaraang Biyernes, Hunyo 21.

Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD) ay kinilala ang mga nadakip na suspek na sina alyas Jummong, 52, Top 10 MWP sa station level; isang alyas Mary Ann; at si alyas Mac Mac na tinaguriang 5th top MWP sa district level para sa ikalawang quarter ng Hunyo ng taong kasalukuyan.

Si alyas Jummong ay naaresto ng mga tauhan ng Sub-station 6 ng Pasay City police dakong ala 1:00 ng hapon sa Barangay 165 Zone 18 sa lungsod dahil sa kanyang kinahaharap na kasong paglabag sa Section 14, Article II ng Republic Act (RA) No. 9165.

Sa bisa ng warrant of arrest ay nadakip si alyas Jummong na inisyu ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Edilwasif T. Baddiri ng Branch 115 nitong nakaraang Mayo 29, 2024 na walang rekomendasyon na piyansa.

Ang mga tauhan naman ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Pasay City police ang dumakip kay alyas Mary Ann bandang ala una din ng hapon ng kaparehong petsa sa Maginhawa St., Brgy 14, Pasay City.

Si alyas Mary Ann ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 13 at 14 Art. II ng R.A. 9165 na may Criminal Case No. R-PSY-20-01307-CR at R-PSY-20-01308-CR.

Ang warrant of arrest na naihain para sa pag-aresto kay alyas Mary Ann ay inisyu din ni Pasay City RTC Presiding Judge Edilwasif T. Baddiri ng Branch 115 noong Mayo 24 ng nakaraang taon na wala ring rekomendasyon na piyansa.

Samantala, inaresto naman si alyas Mac Mac ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Unit (WSU) ng Taguig City Police Station.

Inareto si alyas Mac Mac ng nga miyembro ng Taguig police WSU bandang ala 1:00 ng hapon sa San Isidro Uno, Paombong, Bulacan, dahil sa kanyang kinahaharap na mga kaso na may Criminal Case Nos. 7295 at 7296 dahil sa paglabag sa Article 266-A Paragraphs 1(A) at (B) na may kaugnayan sa Article 266-B 2nd Paragraph ng Revised Penal Code (RPC) na inamyendahan ng RA No. 8353 RAPE (two counts).

Matagumpay ang pag-aresto kay alyas Mac Mac dulot ng inisyung warrant of arrest order na inisyu noong Hulyo 27, 2023 ni Datahan RTC Presiding Judge Loralie Cruz ng Branch 69, NCJR.

Ang mga nadakip na suspek ay kasalukuyang nakapiit sa mga nabanggit na estasyon ng kapulisan habang naghihintay ng kani-kanilang commitment order na magmumula sa korte para sa paglilipatan ng kanilang pagkukulungan.

Sinabi ng SPD na ang pag-aresto sa mga suspects ay nagpapatunay ng kanilang patuloy na pakikipaglaban sa krimen gayundin kasabay ng pagsasampa ng kaso sa mga notoryus na indibidwal ng lipunan. James I. Catapusan