MANILA, Philippines – Umakyat na sa tatlo ang bilang ng mga nasawi sa pag-collapse ng isang landfill sa Cebu City kung saan marami pa rin ang nawawala.
Narekober ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cebu City ang katawan ng isang babae mula sa landfill bandang 6:35 ng gabi ng Biyernes, Enero 9.
Samantala, narekober naman ang katawan ng 25-anyos na lalaki bandang alas-4 ng hapon.
Isang indibidwal ang una nang napaulat na nasawi nitong Huwebes ng hapon matapos tumama ang landslide sa naturang landfill site, partikular ang isang materials recovery facility, sa Barangay Binaliw.
Mayroon pang 34 indibidwal ang patuloy na pinaghahanap.
Nasa 13 indibidwal naman na naunang tinukoy bilang nawawala ang nahanap na.
Karamihan sa mga biktima ay mga manggagawa na nagtatatrabaho sa lugar nang mangyari ang insidente.
“Dito ako ng mga oras na yun… ‘Yung mga kasamahan ko diyan, nasa walo kami. Sana makuha na sila, ma-rescue kasi nakakaawa. Kung nandoon ako, kasama ako sa kanila,” sinabi ng isang survivor na si Dominic Baliguat.
Wala aniyang indikasyon na guguho ang naturang landfill. RNT/JGC