MANILA, Philippines – Inabot na ng 30 oras ang Taslacion ng Poong Jesus Nazareno bago ito nakabalik sa Simbahan ng Quiapo.
Ito na ang pinakamatagal na prusisyon na naganap sa kasaysayan ng pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Jesus Nazareno.
Kagabi, naunang inanunsyo ni Fr.Ramon Jade Licuanan, paris priest ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno sa gitna ng ‘Dungaw” na pansamantala munang mananatili ang andas sa San Sebastian Church ngunit patuloy na itinulak ng mga deboto ang andas.
Paliwanag ni Fr.Licuanan, ang kanilang desisyon kasama ang mga propesyonal, Department of Health , uniform personnel at iba pa na itigil sa San Sebastian ang andas dahil delikado na at basa ang kalsada kagabi dahil sa pag-ulan at hindi nila maaaring ipagwalang-bahala ang kapakanan at kaligtasan ng lahat.
Ngunit nagulat na lamang sila nang biglang umusad muli ang andas pabalik ng Quiapo Church.
Aniya, ang Quiapo Church ay bahay ng Poong Nazareno pero hindi maaaring ikaila na ang ina na si Virgen Maria ay tahanan din ng ating Poong Jesus Nazareno.
Kaya naman nadismaya ito at labis na nag-aalala sa mga volunteer na hinihintay din ng kanilang pamilya.
Ayon kay Fr.Licuanan, ayaw lamang nilang may masaktan kaya itinaas na lamang nila sa Panginoon ang lahat nang magpatuloy ang usad ng Traslacion mula sa ‘Dungaw” sa San Sebastian Church kagabi.
Samantala, pumalo sa 1,420,000 ang nakilahok sa Traslacion 2026. Jocelyn Tabangcura-Domenden