Home METRO 3 nang-holdap ng resto sa P’que kalaboso

3 nang-holdap ng resto sa P’que kalaboso

MANILA, Philippines- Tatlong suspek na sangkot sa kasong robbery-holdup ang nasakote ng mga tauhan ng Parañaque City police Miyerkules ng umaga, Pebrero 216.

Kinilala ni Parañaque City police chief P/Col. Melvin Montante ang mga nadakip na suspek na sina alyas Samrix, 32, vendor sa Barangay Baclaran; alyas Jhoward, 24, residente ng Barangay La Huerta; at isang alyas Rowel, 26, E-bike rider ng Barangay San Dionisio, Parañaque City.

Base sa report na isinumite ni Montante sa Southern Police District (SPD), naganap ang pagdakip sa mga suspek bandang alas-3:41 ng madaling araw sa Barangay San Isidro, Parañaque City.

Sinabi ni Montante dumating ang mga suspek sa isang restaurant na lulan ng dalawang motorsiklo kung saan nagpanggap na mga customer ang mga ito.

Ilang saglit lamang ay nagdeklara na ng holdup ang mga suspek at matapos ang sapilitang pagpasok sa locker room ng mga empleyado nito ay tinangay na ng mga ito ang ₱13,000 benta sa kaha at isang mobile phone bago nagsitakas patungo sa destinasyon ng Baclaran.

Sa nakalap na CCTV footages sa lugar ay natunton ang kinaroroonan ng mga suspek na nagresulta ng kanilang pagkakaaresto.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang kalibre.22 na kargado ng tatlong bala, isang granada, dalawang sumpak na kargado ng apat na bala ng 9mm, at isang walang plaka na itim na motorsiklo habang hindi na narekober ang kanilang ninakaw na pera at mobile phone.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police ang mga suspek na nahaharap sa mga kasong robbery-holdup, paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), Republic Act 9516 (Illegal Possession of Explosives), at BP Bilang 881 (Omnibus Election Code) sa Parañaque City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan