Home METRO 3 nasakote sa ‘Oplan Galugad’ sa Pasay

3 nasakote sa ‘Oplan Galugad’ sa Pasay

MANILA, Philippines – Nadakip sa isinagawang ‘Oplan Galugad’ ng Pasay City police Substation 7 ang tatlong indibidwal na nahuli sa aktong nagsusugal ng ‘cara y cruz’ madaling araw ng Miyerkules.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. ang mga inarestong suspects na sina alyas Dodoy, 23, miyembro ng kilabot na Sputnik gang, residente ng Blk 87, L12 Saint Cecile Street, Brgy. 178, Maricaban, Pasay City; alyas Paul, 26, pedicab driver, miyembro rin ng notoryus na Sputnik gang, ng No. 005 Gardenia Street, Transmitter Area, Brgy 184, Maricaban, Pasay City; at isang alyas Manong, 58, pedicab driver, naninirahan sa No. 4 Lawaan St., Barangay 182, Maricaban, Pasay City.

Base sa report na natanggap ni Mayames, naganap ang pagdakip sa mga suspects dakong alas 12:30 ng madaling araw sa Saint Augustine Street, Brgy. 178, Maricaban, Pasay City.

Ayon kay Mayames, nagsasagawa ng Oplan Galugad operation ang mga tauhan ng Substation 7 nang madaanan ng mga ito ang tatlong suspects na nagsusugal ng cara y cruz sa kalsada.

Bilang standard operating procedures (SPO) na pagsasagawa ng inspeksyon sa mga suspects ay nakuhanan ng si alyas Dodoy ng dalawang heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na .32 gramo na nagkakahalga ng P2,176 at isang .38 kalibre rebolber na kargado ng dalawang bala.

Bukod sa shabu at baril ay narekober din sa mga suspects ang tatlong tig-mamiso na ginamit bilang pangara sa kanilang pagsusugal at ang kabuuang P450 na panglalaban nilang pera sa pagsusugal.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602 (Anti-illegal Gambling Law) ang mga suspects habang paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang karagdagang kaso na isasampa laban ky alyas Dodoy sa Pasay City Prosecutor’s office. James I. Catapusan