Home METRO Bebot inireklamo sa kasong estafa

Bebot inireklamo sa kasong estafa

MANILA, Philippines – Patung-patong na kaso ang kinahaharap ng isang babaeng suspect matapos pagbentahan ang kanyang biniktima ng kinarnap na sasakyan sa Maynila nitong nakaraang Marso 21.

Nag-ugat ang pag-aresto sa suspect na kinilala lamang sa alyas Lyka, 31, residente ng No. 2 Cadena de Amor St., Brgy. 184, Maricaban, Pasay City makaraang dalhin ito sa Pasay police Substation 7 ng biktimang si alyas KingFahad ng Purok 3 Maunlad, Apopong, Gen. Santos, South Cotabato, para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Ayon kay Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr., napag-alaman report na kanyang natanggap na dakong ala 1:20 ng hapon ng Abril 23 nang dalhin ng biktima ang suspect sa Substation 7 para sa kanyang paghahain ng reklamo laban sa suspect matapos siyang bumili ng Toyota Fortuner na may plakang NFQ 4167 sa halagang P900,000 nitong nakaraang Marso 19, 2024 na kinalaunan ay kanyang napag-alaman na ito pala ay isang karnap na sasakyan na inireport na tinangay habang naka-park sa kahabaan ng Laong Laan dalawang araw matapos niya itong mabili noong Marso 21.

Sinabi ni Mayames na sa tulong ng mga concerned citizens ay natunton ng biktima ang tirahan ng suspect sa pamamagitan ng pagpo-post ng litrato nito at ID card sa kanyang Facebook page.

Agad na tinungo ng biktima ang tirahan ng suspect at sa kabutihang palad naman ay sumama ito sa kanya sa Substation 7 kung saan ito tuluyang inaresto makaraang tanungin ang suspect ng kanyang tunay na pagkakakilanlan at sinabi nitong siya si alyas Lyka ngunit ang kanyang tunay na pagkakakilanlan, siya ay si alyas Abegail.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police ang suspect na nahaharap sa kasong estafa at paglabag sa Art 178 ng Revised Penal Code (concealing true name) sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan