Home METRO Suspensyon ng F2F classes sa Pasay pinalawig hanggang Abril 26

Suspensyon ng F2F classes sa Pasay pinalawig hanggang Abril 26

MANILA, Philippines – Bunsod ng naranasang tindi ng init ng panahon nitong mga nakaraang araw at sa mga darating pang araw na idudulot ng heat index ay inihayag ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang pagpapalawig sa suspensyon ng face-to-face classes (F2F) sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan sa lungsod ng hanggang Biyernes, Abril 26.

Ang pagpapalawig ng suspensyon ng F2F classes ay alinsunod sa inilabas na Executive Order No. 42 ni City Mayor Imelda “Emi” Calixto-Rubiano na kung papalo sa 42 degrees Celsius o higit pa ang temperatura ay pansamantalang isususpinde ang mga face-to-face classes sa lungsod.

Base sa inilabas na Climate Heat Index forecast ng PAGASA-DOST, posibleng pumalo sa pinakamainit na 45° Celsius o higit pa ang magiging init ng panahon sa NAIA Pasay, City ngayong Abril 25 hanggang 26.

Dahil dito, muling iminungkahi ng lokal na pamahalaan na gawin ang paraan ng pagtuturo at pagkatuto sa pamamagitan ng online, modular o anumang alternatibo na nakabatay sa kakayahan ng mga paaralan, guro at mag-aaral.

Pinayuhan din ni Calixto-Rubiano ang mga residente ng lungsod na kung hindi rin lang naman importante ay huwag na munang lumabas at manatili na lang sa bahay dahil delikado ay idudulot na init ng araw sa lungsod na aabot sa 45° Celsius na maaaring magdulot ng nakamamatay na heat stroke. James I. Catapusan