MANILA, Philippines – Tatlong katao ang naiulat na nawawala sa Bicol Region sa gitna ng epekto ng Tropical Storm Kristine (international name: Trami), ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules.
Sa ulat nito alas-8 ng umaga, sinabi rin ng NDRRMC na isang tao ang naiulat na nasugatan sa rehiyon.
May kabuuang 382,302 indibidwal o 77,910 pamilya ang naapektuhan ng Kristine sa Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Sa mga apektadong populasyon, 12,334 katao o 3,095 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center habang 364 katao o 96 na pamilya ang nakasilong sa ibang lugar.
Sinabi ng NDRRMC na ang mga baha, pagguho ng lupa, isang aksidente sa sasakyan, at isang nabunot na puno ay iniulat sa mga apektadong rehiyon.
Limampu’t pitong bahay ang nasira, 49 ang partially at walo ang totally. Isang istraktura din ang nasira.
Naranasan ang pagkawala ng kuryente sa 36 na lugar at naiulat ang mga isyu sa linya ng komunikasyon sa isang lugar.
Sinuspinde ang operasyon sa 34 na daungan sa CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Central Visayas, at Eastern Visayas dahil kay Kristine. Dahil dito, may kabuuang 4,753 pasahero, 703 rolling cargoes, 26 na sasakyang-dagat, at 13 motorized bancas ang na-stranded.
Suspendido ang klase sa 602 na lugar at iskedyul ng trabaho sa 164 na lugar dahil sa banta ni Kristine, ayon sa ulat ng NDRRMC.
Sa ngayon, nasa kabuuang P169,685 na halaga ng tulong ang naibigay sa mga biktima. RNT