Home NATIONWIDE 3 opisyal ng Landbank ipinatawag ng Impeachment court sa pagpapatuloy ng paglilitis...

3 opisyal ng Landbank ipinatawag ng Impeachment court sa pagpapatuloy ng paglilitis kay VP Sara

1
0

MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Senate Impeachment Court ang kahilingan ng House prosecution panel na magpalabas ng subpoena laban sa tatlong opisyal ng Landbank na inaasahang haharap sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Hulyo 20.

Inanunsyo ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero ang pag-apruba bago isinara ang ikaanim na araw ng paglilitis.

Ayon sa prosekusyon, kabilang sa mga susunod na testigo sina Legislative Archives and Museum Management Service Director Marivic Pareja, Landbank Shaw Boulevard Branch Manager Violeta Constantino, Landbank DepEd Branch Manager Nenita Camposano, at Landbank President at CEO Lynette Ortiz.

Magbibigay sila ng testimonya kaugnay ng Article I ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa alegasyong maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Samantala, inanunsyo rin ng prosekusyon ang pag-withdraw sa ilang testigong nakatakdang humarap para sa Article IV, na may kaugnayan sa umano’y pagbabanta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Kabilang sa mga inalis na testigo ang isang opisyal ng Philippine National Police Firearms and Explosives Office, mga mamamahayag na sina Mikhail Flores at Bonz Magsambol, Sheriff Abe Andes, isang kaanak ng umano’y biktima ng pagbabanta, at isang psychiatrist.

Sinabi rin ni Escudero na magpapasya ang impeachment court sa Lunes hinggil sa mga usaping may kaugnayan sa subpoena matapos mabigyan ng sapat na panahon ang mga senator-judge na pag-aralan ang mga isinumiteng memorandum at mga legal na isyu.

Inaasahan namang haharap si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag bilang testigo ng prosekusyon sa Hulyo 21.

Kinumpirma rin ni Escudero na magsisimula lamang ang depensa sa paghaharap ng kanilang ebidensya matapos makumpleto ng House prosecution panel ang presentasyon ng lahat ng ebidensya para sa bawat artikulo ng impeachment. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here