MANILA, Philippines — Inanunsyo ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang dalawang hakbang ng pamahalaan upang mapataas ang kita ng mga magsasaka.
Inatasan ni Tiu Laurel ang National Food Authority (NFA) na itaas ang minimum buying price ng basang palay mula P17 kada kilo sa P21 kada kilo simula sa darating na anihan sa Setyembre. Ayon sa kanya, layunin nitong matulungan ang mga magsasaka na makasabay sa pagtaas ng presyo ng pataba at iba pang gastusin sa produksyon.
Iniutos din ng kalihim ang pansamantalang pagtigil sa pagpasok ng imported na bigas sa Iloilo mula kalagitnaan ng Setyembre hanggang katapusan ng Nobyembre upang maiwasang maapektuhan ang presyo ng lokal na ani sa panahon ng peak harvest.
Kasabay nito, pinasinayaan ni Tiu Laurel ang P355-milyong rice processing facility sa Dumangas, Iloilo. Kayang magproseso ng pasilidad ng hanggang 4,800 sako ng 50-kilong palay bawat araw at gumagamit ito ng mechanical dryers upang makabili ang NFA ng bagong aning basang palay sa mas mataas na presyo.
May sapat din itong imbakan na maaaring maglaman ng hanggang 12 porsiyento ng inaasahang ani ng Iloilo, na inaasahang makatutulong sa pagpapatatag ng presyo ng palay sa merkado.
Sinabi rin ni Tiu Laurel na dalawa pang malalaking pasilidad sa Iloilo ang bubuksan bago ang anihan sa Oktubre. Sa buong bansa, kasalukuyang nagpapatayo ang NFA ng 36 modernong post-harvest facilities, kung saan kalahati ay inaasahang magbubukas ngayong wet season at ang natitira bago ang dry-season harvest sa susunod na taon.
Ayon kay Tiu Laurel, bahagi ang mga proyektong ito ng layunin ng administrasyon na gawing mas moderno ang sektor ng agrikultura, mapataas ang kita ng mga magsasaka, mapanatiling abot-kaya ang pagkain, at mapalakas ang seguridad sa pagkain ng bansa. RNT/MDS