Home TOP STORIES 3 opisyal ng partido kinasuhan ng ex-chair ng PFP

3 opisyal ng partido kinasuhan ng ex-chair ng PFP

NAGHAIN ng mga kasong falsification of public document at paglabag sa Cybercrime Law ang dating Chairman ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) laban sa tatlong opisyal ng partido sa Manila City Prosecutor’s Office.

Kabilang sa mga kinasuhan ni Abubakar M. Mangelen sina South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo na tumatayong Pangulo ng partido, ang Secretary-General na si Ret, MGen. Thompson Lantion at Party General Counsel George Briones.

Ibinatay ni Mangelen sa kanyang reklamo ang umano’y dalawang ulit na paggamit sa kanyang lagda sa pamamagitan ng electronic signature ng wala siyang pahintulot at pagsusumite ng mga pekeng dokumento kaugnay sa inamiyendahang Constitution and By-Laws ng partido na isinumite sa Comelec ng dalawang beses noong taong 2022 at 2024 na ginawa aniya sa pamamagitan ng paggamit ng computer system na malinaw na paglabag sa R.A. 10175 o ang Cybercrime Law.

Si Mangelen ay nahalal na National Chairman ng PFP noong Abril 21, 2018, sa panahon ng pagsisimula ng PFP sa ilalim ng orihinal na Constitution and By-Laws (CBL) na isinumite sa election body noong Abril 30, 2018. Gayunman, sa kalatas na inilabas ni Gen. Lantion noong Disyembre 2, 2021, sinabi niya na inalis sa puwesto bilang Chairman si Mangelen sa ginanap na convention ng partido noong Setyembre 18, 2021 matapos i-iendorso ng partido si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bilang kanilang kandidato sa pagka-pangulo sa 2022 national election.

Ayon pa kay Lantion, umalis na sa partido si Mangelen noong taong 2019 upang sumapi sa PDP-Laban para tumakbo bilang gobernador ng Lanao del Sur kung saan tinalo siya ni Gov. Mamintal Adiong, Jr.

Nakasaad naman sa reklamo ni Mangelen na bagama’t nahalal bilang mga pambansang opisyal ng partido sina Tamayo, Lantion at Briones noong Setyembre 18, 2021, nadiskubre aniya niya na pineke ng partido ang pag-amiyenda sa Constitution and By-Laws na kanilang ginamit nang maghain ng petisyon para sa akreditasyon ng partibo bilang isa sa 10-pangunahing partidong pulitikal noong Mayo 2022 election bago ang Comelec en banc.

Bilang suporta sa reklamo ni Mangelen lumagda rin sa kanyang isinumiteng affidavit sina Alexander Agustin, Garbriel Sotto, Assam Ulangkaya, at Julius Cesar Aquilluz na mga miyembro ng partido mula nang mabuo ang PFP noong Abril 22, 2018 na nagpatunay din na walang naganap na National Assembly Meeting para sa pag-amyenda sa orihinal Constitution and By-Laws ng partido. Ang Partido Federal ng Pilipinas ay ang political party ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (RNT)