Home OPINION 7.8 MILYONG PUNO NAITANIM NG MILLION TREES FOUNDATION

7.8 MILYONG PUNO NAITANIM NG MILLION TREES FOUNDATION

AABOT sa 2.7 million na puno ang nakatakdang maitanim ng MTFI o Million Trees Foundation, Incorporated sa ­taong 2025 base sa natanggap nitong “pledges” buhat sa 31 partners nito sa buong bansa, malaki ang maitutulong nito sa pagseseguro ng suplay ng mali­nis na tubig.

Isinagawa ang pangako kasabay ng pagdaraos ng 2nd AMTC o Annual Million Trees Challenge at pagpaparangal sa mga naging katuwang na mga orga­nisasyon at indibidwal sa pagtatanim noong taong 2023. Ginanap ito sa MWSS o Metropolitan Waterworks and Sewerage System office sa Balara, Quezon City.

Target ng AMTC na makapagtanim ng aabot sa 10 million trees hanggang taong 2030. Pero batay sa datos, simula taong 2017 ay nasa 7.8 million na mga puno na ang naitanim sa ilalim ng prog­rama.

Kinilalang Champion of Trees Award at Million Trees Achiever ang San Miguel Corporation, Manila Water Com­pany, Incorporated, Maynilad Water Services, Incorporated, at ang Sta. Ana International Corporation.

Simula taong 2017 ay nakapagsa­gawa na ng rehabilitasyon ang MTFI sa watersheds ng Angat, Ipo, Kaliwa, La Mesa, Laguna Lake, Umiray, Upper Marikina, at maging sa Manila Bay.

Isinusulong ng foundation ang pagtatanim ng kawayan sa mga pampang ng ilog, narra at ylang-ylang naman sa ibang lugar.

Malaki ang naitutulong ng kawayan sa pagsipsip at paghawak ng tubig, na­babawasan din ang pagkakaroon ng ­soil erosion, at pagkawala ng lupa.

Maliban sa reforestation at environmental sustainability, nagkakaloob din ang MTFI ng oportunidad sa kabuhayan para sa mga komunidad na nasa loob at malapit sa watersheds mula sa adbokasiya nito sa pagtatanim ng puno.

Sinabi naman ng MWSS na mayroon itong binuong roadmap na nag­lalayon na mabigyang proteksyon at mapreserba ang likas yaman ng bansa partikular ang pinagkukunan ng mali­nis na tubig.

Pinasalamatan ng ahensiya ang MTFI dahil sa malaking suporta nito kung kaya nagagampanan nito ang mandato para sa water security ng Metro Manila, at mga lalawigan ng Cavite, Rizal at Bulacan.

Ibinahagi rin ng ahensiya na mayroong 25-year Integrated Watershed Management Roadmap para sa mga watersheds ng Angat, Ipo at La Mesa, habang ginagawa na rin ang parehas na plano para sa Umiray-Kaliwa-Ka­nan watersheds, at sa Laguna de Bay at Upper Marikina watershed.

Nagtataglay ang roadmap ng kombinasyon ng scientific knowledge at sinaunang paniniwala at tradisyon ng mga lokal, at humihikayat sa pagtutulungan sa kabila ng pagkakaiba.