Home OPINION SALAMIN NANG MAAYOS NA PAMAMAHALA!

SALAMIN NANG MAAYOS NA PAMAMAHALA!

SA magkakasunod na siyam na taon ay  nakamit  ng Navotas ang ‘unmodified opinion’, – itinuturing na ‘highest audit rating’ na natatanggap ng mga local government unit mula sa Commission On Audit.

Ang unmodified opinion ay iginagawad ng state auditor kapag ang LGU ay nakapagpakita nang maayos na financial statements sa lahat ng mahahalagang aspeto,  ayon sa naaangkop na financial reporting framework.

Sa pamamagitan ng tamang paliwanag, dapat ay walang labis at walang kulang ang  papeles o dokumento  sa audit report na magiging basehan ng COA para sa paglalabas ng kanilang unmodified opinion sa LGU.

Kabaliktaran ito sa modified opinion na kulang sa paliwanag, papeles at dokumento kaya ang payo ng COA sa LGUs na naiisyuhan ng ganito, ayusin ang audit report para mawala ang haka-hakang pagkakamali o kaya’y fraud suspicion.

Sa madali’t sabi, ang unmodified opinion ay malinis, walang bahid ng katiwalian, ‘di tulad ng modified opinion na may suspetsa ng kalokohan dahil may paglabag sa financial reporting framework ng COA.

Siyam na sunod sunod na unmodified opinion ang natanggap ng Navotas sa COA na nagsimula pa noong 2015, kaya ‘di nakapagtataka kung masaya at proud si Mayor John Rey Tiangco at kanyang kababayang Navoteños.

Sa kanyang Facebook, inanunsyo ni Tiangco ang magandang balita sa Navoteños. Aniya, “muli po tayong nakatanggap ng unmodified opinion mula sa COA. Pang-siyam na po natin ito at Navotas lang ang may ganitong record sa buong Metro Manila.”

“Patuloy po kaming magsisikap para makapaghandog ng tapat at mahusay na serbisyo na deserve ng bawa’t isang Navoteño. Congratulations po sa ating lahat,” dagdag pa ng punong lungsod.

Ang pambihirang sunod-sunod na unmodified opinion ng COA sa shoreline city  ay salamin, repleksyon ng maayos na pamamahala na kayang tularan  ng lahat ng LGU kung gugustuhin lang nila.

Kudos sa lokal na pamahalaang lungsod ng Navotas.