Home OPINION KANYA-KANYANG GIPITAN

KANYA-KANYANG GIPITAN

TAMA lang ang ginagawang paglunsad nang malawakang paglalansag sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators sa lahat ng sulok ng bansa sa gitna nang panawagan ng mga mambabatas na buwagin ito bunsod sa mga krimen tulad ng human trafficking, prostitusyon, droga, murder at iba pang sabit ang ilang Chinese.

Hindi nga naman makatwiran na nagkukumahog ang mga awtoridad na ipatupad ang batas na walang kinikilingan sa taumbayan samantalang malayang nakapago-operate ang Tsino ng sugal sa pamamagitan ng POGO na isinusuka nga sa China dahil sa iba’t-ibang krimen na kaakibat nito.

Hindi lang ‘yan, bakit pa magiging bulag at bingi ang gobyerno natin sa mga pabor na tinatamasa ng mga Tsino sa bansa samantalang patuloy ang panggigipit, pananakot at pagsasalaula ng pwersa armada nito sa ating mangingisda at mga sundalo sa West Philippine Sea kabilang ang pagpapadala ng dambuhalang barko ng Chinese Coast Guard na nakadaong ngayon sa Escoda Shoal na napaloloob naman sa Philippine Exclusive Economic Zone?

‘Yun bang sila na nga ang kumakabig nang husto sa pamamagitan ng pangungulimbat ng ating yaman dagat sa WPS, itinataboy pa ang ating mga kababayang naniniwalang tayo lang ang may karapatan sa teritoryong ‘yan.

Kaya naman panahon na para lansagin ang anomang negosyo ng mga Tsino sa bansa lalo na ang iligal na POGO na wala namang pakinabang ang pamahalaan sa halip ay kaguluhan ang idinulot nito.

Hindi rin naman nakatulong ang buwis mula sa POGO batay sa talaan ng gobyerno, lampas tao ang utang ng mga operator mula ng mag-operate sila sa bansang ang ilang buwayang opisyal lang yata ang nakinabang ng hatag ng mga may-ari.

Sa madali’t sabi, panahon na para tuldukan ang tinatamasang pabor na ibinigay ng gobyerno sa China hangga’t hindi nila winawakasan ang panggigipit sa mga kababayan natin sa WPS.