LEBANON – Sinabi ng Palestinian militant group nitong Lunes, Setyembre 30 na napatay sa strike ng Israel ang tatlong lider nito sa Beirut.
Ayon sa Popular Front for the Liberation of Palestine (PFLP), tatlo sa kanilang mga lider ang nasawi sa strike target ang Kola district ng Beirut.
Tinamaan ng pag-atake ng Israel ang isang apartment building sa Kola district.
Wala pang tugon ang Israel military kaugnay nito.
Nitong Linggo, naglunsad ang Israel ng air strikes laban sa Houthi militia sa Yemen at dose-dosenang Hezbollah targets sa Lebanon.
Ayon sa Houthi-run health ministry, apat katao ang nasawi at 29 ang sugatan sa mga air strike ng Israel sa port of Hodeidah sa Yemen, na sinabi naman ng Israel na ganti nila sa mga missile attack ng Houthi.
Sa Lebanon, iniulat ng mga awtoridad na nasa 105 katao ang napatay sa air strikes ng Israel nitong Linggo.
Sinabi ng Health Ministry ng Lebanon na mahigit 1,000 Lebanese ang nasawi at 6,000 ang sugatan sa nakalipas na dalawang linggo. RNT/JGC