Home NATIONWIDE 3 pang Pinoy na sugatan sa Singapore Airlines flight nasa ospital pa

3 pang Pinoy na sugatan sa Singapore Airlines flight nasa ospital pa

BANGKOK, Thailand- Ginagamot pa ang 48 indibidwal na sakay ng Singapore Airlines flight na inilihis sa Bangkok matapos masapul ng severe turbulence, ayon sa mga opisyal nitong Biyernes.

Nananatili ang 48 pasyente sa tatlong ospital sa Bangkok, ayon sa Samitivej Srinakarin hospital.

Nitong Huwebes, sinabi ng direktor ng Samitivej Srinakarin Hospital na 20 indibidwal ang ginagamot sa ICU.

Nakalabas na ang anim na indibidwal mula sa Samitivej Srinakarin hospital, kung saan naroon ang karamihan sa mga pasyente, na nagdala sa bilang ng mga ginagamot sa 34, kabilang ang  siyam na Australians, pitong British, pitong Malaysian at tatlong Philippine citizens, base sa ulat.

Nasawi ang isang pasahero dahil sa hinihinalang atake sa puso habang dose-dosena ang sugatan matapos makaranas ang Singapore Airline Flight SQ321, mula London patungong Singapore, ng inilarawan ng airline bilang biglaang “extreme turbulence” habang nasa Myanmar. RNT/SA