TAGUIG, Philippines – Tatlong paralegal ang inaresto ng pulisya habang nagsasagawa ng protesta laban sa 2026 Luzon Economic Corridor (LEC) Investment Forum sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig noong Setyembre 10, ayon sa human rights group Karapatan.
Kinilala ang mga inarestong sina Jona Yang, Kenneth Castro at Mara Peralta na dinala sa Tuktukan Police Station sa Taguig.
Ayon sa Karapatan, habang nasa himpilan, inaresto rin ang dalawa pang paralegal na sina Daya Juliano at RC Placido, na kasama ng legal counsel upang tumulong sa tatlong naunang inaresto.
Nagkaroon din ng sagupaan sa pagitan ng pulisya at mga nagpoprotesta sa BGC.
Ang forum, na sinuportahan ng US Trade and Development Agency, ay dinaluhan ng nasa 600 investors, industry leaders at senior government officials upang makabuo ng partnerships at pribadong pamumuhunan para sa LEC sa bansa.
Kinondena naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang forum, na anila ay magsisilbi sa interes ng US, kabilang ang Pax Silica Initiative.
Ayon sa US Department of State, ang Pax Silica ay pangunahing hakbang ng US para sa AI at seguridad ng supply chain, katuwang ang mga alyado at pinagkakatiwalaang partner. Kabilang sa mga lumagda rito ang Pilipinas, Japan, South Korea, United Kingdom, Germany at European Union. RNT/MDS