PANGASINAN-Tatlo ang patay habang isa ang sugatan sa banggaan ng “kulong-kulong” at commuter van sa Brgy. Poblacion East, San Nicolas ng lalawigang ito kaninang madaling araw, Setyembre 2.
Ang Toyota commuter van ay minamaneho ng isang 44-anyos na Catholic Priest na residente ng Alcala, Cagayan samantalang ang “kulong-kulong” naman ay minamaneho ng isang 38-anyos na construction worker, may asawa, residente ng Bry. Poblacion West, Umingan, Pangasinan.
Kasama ng pari sa naturang commuter van ang isang male occupant samantalang kasama naman ng driver sa kanyang “kulong-kulong” ang three male occupant na pawang mga residente ng Umingan, Pangasinan.
Sa inisyal na imbestigasyon, bumibiyahe ang van papuntang kanlurang direksyon sa provincial road sa naturang lugar.
Pagdating nito sa pinangyarihan ng insidente, ang “kulong-kulong” na mabilis ang takbo papuntang hilaga ay biglang lumabas sa may intersection kaya nagkasalpukan ang dalawang sasakyan.
Resulta nito, ang driver ng “kulong-kulong” at ang mga sakay nito ay pawang nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan na agad na dinala sa EPDH Tayug, Pangasinan ng mga rumespondeng personnel ng San Nicolas MPS at MDRRMO.
Gayunman, ang mga sakay ng “kulong-kulong” ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor.
Hindi naman nasaktan sa naturang insidente ang driver ng commuter van at ang kasama nito. Rolando S. Gamoso