Home NATIONWIDE PBBM nais ng mas maagang bulletin sa pagsuspinde sa klase, trabaho

PBBM nais ng mas maagang bulletin sa pagsuspinde sa klase, trabaho

MANILA, Philippines -INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., araw ng Lunes, Setyembre 2 ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na tiyakin na makapagbibigay ng ‘early advisories’ na may kinalaman sa suspensyon ng klase at trabaho dahil sa masamang panahon.

Hangad ni Pangulong Marcos na kaagad na malaman ng publiko kung kakanselahin ang trabaho at klase sa susunod na araw bago pa sila matulog sa gabi upang makagawa ang mga ito ng kinakailangang adjustments.

”We will try to give the bulletin as early as possible for work and school tomorrow. Ang instruction ko sa kanila kung maaari bago tayo matulog alam na natin kung may pasok bukas o hindi para makapag-adjust naman ‘yung mga tao,” ayon kay Pangulong Marcos.

Nauna rito, sinuspinde ng Malakanyang ang klase sa pampubliko at pribadong eskuwelahan sa lahat ng antas sa Metro Manila, araw ng Lunes, dahil sa Tropical Storm Enteng (international name Yagi).

“In view of the inclement weather brought about by Tropical Storm “Enteng,” classes in public and private schools at all levels within the National Capital Region on 02 September 2024 are hereby suspended,” ang nakasaad sa kalatas ng Tanggapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Bukod dito, inanunsyo ng Malakanyang ang suspensyon ng trabaho sa gobyerno sa National Capital Region, araw ng Lunes, dahil sa masamang panahon na dala ni Tropical Storm “Enteng”.

Ang work suspension ay epektibo alas-8:30 ng umaga, ayon sa kalatas na ipinalabas ng Tanggapan ng Executive Secretary.

“The suspension of work for private companies and offices is left to the discretion of their respective heads,” dagdag na wika nito.

Nauna rito, nauna nang sinuspinde ng Malakanyang ang klase sa lahat ng antas sa Metro Manila dahil sa malakas na pag-ulan at hangin na dala ni Enteng.

Sinuspinde naman ng Metropolitan Manila Development Authority, ang number coding scheme sa rehiyon. Kris Jose