MANILA, Philippines – Patay ang tatlo katao habang sugatan ang anim iba pa matapos na itakas ng isang lalaki ang isang police mobile.
“Sa ating pag iimbestiga, meron tayong tatlo nakumpirmang patay binawian ng buhay. Bale anim ang nasugatan kabilang na ang suspek kasama ang ating rumespondeng pulis at apat na sibilyan,” ayon kay P/Maj Rosalino Panlaqui, hepe ng Morong Rizal Police.
Ang tatlong biktima ay naisugod pa sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Nakatanggap umano ang pulisya bandang alas-9 ng umaga sa isang lalaki na nanggugulo.
“Sa initial assessment parang meron siyang diperensya sa pagiisip so atin siyang isinama at nakita nating meron siyang mga sugat kaya ipapagamot dapat,” ani Panlaqui.
Matapos na magamot ang sugat ng lalaki ay agad itong tumakas sa mga pulis.
“Nakita ng ating pulis na siya ay sumakay sa ating mobile at pinaandar niya mobile. Hinabol siya ng ating kapulisan at umabot sa punto na nakabangga na siya naging resulta ng magka sawi ng ilang tao at pinsala sa mga properties,” dagdag ni Panlaqui.
Inararo ng lalaki ang mga nakaparadang tricycle at motorsiklo sa sidewalk.
Ginagamot na rin ang suspek sa ospital.
Hindi naman matunton ng pulisya ang pamilya ng suspek.
“Kasi nga hindi natin siya makausap ng malinaw. Kung may makukuha tayong impormasyon tungkol sa kanya, pupuntahan natin ang pamilya nya. Hindi po siya tagarito,” ayon sa opisyal.
Isasailalim sa kustodiya ng Morong Police ang suspek habang naghihintay sa court order kung saan ito dadalhin. Maritess Pumaran