
ANO ba ‘yang naglulutangang mga shabu sa karagatan hindi lang sa Ilocos Sur kundi maging sa Pangasinan at Ilocos Norte?
Kung tutuusin, umabot na sa halos 100 kilo na may halagang nasa P700 milyon ang nasasabat ng mga mangingisda sa mga karagatan at dalampasigan ng mga lalawigang ito simula noong Hunyo 24.
Isang kilo ang natagpuan sa Burgos, Ilocos Norte, 11 kilo sa Agno, Pangasinan at ‘yung iba, sa mga bayan ng Cabugao, San Esteban, Magsingal at Sta. Cruz, Ilocos Sur.
Naunang nagsilutangan ang karamihan ng mga droga sa apat na bayan ng Ilocos Sur.
Nitong huling dalawang araw, sa Pangasinan at Ilocos Norte naman.
Hindi imposibleng may matatagpuan pang mga kilo-kilong shabu sa mga susunod na araw.
MAGANDANG AKSYON
Napakagandang aksyon ang ginagawa ng Ilocos Sur local government para sa mga nakadidiskubre ng mga shabu.
Nagbibigay ito ng P50,000 sa bawat mangingisda na nagsusurender ng kaniyang makakalap na droga.
Ang Philippine Drug Enforcement Agency, nagbibigay naman ng P5,000 sa bawat magsurender.
Ang Pangasinan at Ilocos Norte, wala pa tayong nababalitaang mga pagbibigay ng insentibo sa mga nakakakalap o nakapupulot ng droga.
Maganda na ring aksyon ang ginawa ng PDEA, pulisya at mga local government unit na pagsunog ng mga nakumpiskang droga sa Angels Crematorium public cemetery sa Don Lorenzo Querubin, Caoayan, Ilocos Sur, maliban lang ang mga sampol para sa pagsasampa ng kaso.
Ito’y para maiwasan ang pagburiki sa mga shabu at maibenta sa mga adik na tiyak na ikasisira ng kanilang kalusugan at pamilya, komunidad, bansa at pamahalaan.
Dapat maging alerto lagi ang mga pulis sa nasabing lalawigan sa ilalim ni PCol. Darnell Dulnuan, acting provincial director ng Ilocos Sur Police Provincial Office; PCol. Frederick Obar, ng Ilocos Norte Police Provincial Office director; at Col. Jeff Fanged, Pangasinan Provincial police director na Lahat ay nasa ilalim ni PBGen. Lou, Evangelista, Regional Director ng PRO1.
Siyempre, kasama nating sinasaluduhan ang mga opisyal ng mga lalawigan, bayan at barangay na nagtutulong-tulong para makalap o makumpiska ang mga mapanirang droga at nagbibigay ng insentibong iba’t ibang uri sa mga mamamayan.
Marami, libong mamamayan ang sinagip ng mga ito mula sa mapanirang bunga ng shabu gaya ng pagiging adik, krimen, pagkakulong, korapsyon, kamatayan at iba pa.
ILANG KATANUNGAN
May ilan nga lang na mahahalagang katanungan ukol sa mga napupulot o nakakalap na shabu.
Saan galing at kanino ang mga suplay ng shabu na ito?
Posible bang may kontak ang mga druglord na suplayer sa nasabing mga lugar?
Posible bang may mga nakuha ngunit hindi isinuko sa mga awtoridad at ibinebenta na?
At isang napakahalagang katanungan: Bakit lumalabas na mga sibilyan lang ang nakakalap o nakapupulot ng droga at walang mga awtoridad na aktibong pumapalaot at nagpapatrulya sa karagatang nakaharap sa kontrobersyal na West Philippine Sea?