Arestado ang isang mag-asawa at kasamahan nila sa isang entrapment operation sa Butuan City dahil sa umano’y ilegal na pagsasagawa ng dental procedures nang walang lisensya. Isinagawa ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group-13, Butuan City Police Station 3, at Philippine Dental Association-Agusan del Norte.
Nagpanggap bilang kliyente ang isang operatiba at nag-set ng appointment sa pamamagitan ng social media. Nakilala ang mga suspek bilang sina alias “Jan” at “Mad,” na hindi nakapagpakita ng legal na dokumentong nagpapahintulot sa kanila na magsagawa ng dental procedures.
Nanawagan si Police Regional Office-Caraga Director Brigadier General Kirby John Kraft sa publiko na mag-ingat laban sa mga pekeng dentista na maaaring magdulot ng panganib.
Nahaharap ang mga suspek sa kaso sa paglabag sa Philippine Dental Act. RNT