MANILA, Philippines- Humihingi ng tulong sa gobyerno ang tatlong Pilipinong nasa Cambodia upang makabalik sila sa Pilipinas, sa pagsasabing nakaranas sila ng torture mula kanilang Chinese employers matapos nilang tangkaing takasan ang isang scam farm kung saan sila pinilit magtrabaho.
Sinabi ng mga Pilipino na kasalukuyan silang nagtatago sa isang safehouse dahil pinaghahanap pa rin sila ng mga Chinese na nambugbog sa kanila matapos malamang binabalak nilang tumakas mula sa scam farm, na noong una ay akala nilang isang call center.
“Sana po mapauwi na po kami ng maayos at safe sa pamilya namin sa Pilipinas. Habang nandito pa rin po kami, hindi po namin alam ‘yung mga pwede pang mangyari,” pahayag ng isa sa mga biktima ayon sa ulat.
Base sa mga Pilipino, dinala sila ng 15 Chinese individuals sa isang bakanteng lote kung saan sila binugbog matapos madiskubre ang kanilang plano na umalis sa scam farm. Ibinahagi nila ang mga larawan at video na nagpapakita ng mga sugat at paso sa kanilang mga katawan.
“Pagkatapon po sakin sa may lupa po na puro bato bato, ito ‘po yung unang bumagsak (referring to her left side). Tapos may bigla po ulit tumadyak saka po nawalan po ako ng malay. Nagising lang po ako nang may pumasa po sa kamay ko ng sigarilyo. ‘Yung isa po bakal,” anang isa pang biktima.
“Hindi po namin maisip kung ano po ‘yung mga pwedeng gawin kasi pinapahanap pa rin po kami ngayon. Sana po matulungan niyo po kami mapauwi na,” base sa isa pa.
“Huwag kayong matakot. Gagawin ko agad ang lahat ng paraan para ma-i-rescue kayo diyan,” pahayag naman ni National Bureau of Investigation (NBI) director Jaime Santiago. RNT/SA