MANILA, Philippines – Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong indibidwal na inakusahan ng pag-recruit at trafficking ng mga Pilipino para magtrabaho sa Cambodia, ayon sa ulat nitong Huwebes.
Nangyari ang pag-aresto noong Pebrero 5 matapos i-report ng walong repatriated victims mula Cambodia na naakit sila sa high-paying na trabaho bilang customer service representatives. Apat sa kanila ang tumukoy sa mga recruiter na umano’y nag-exploit sa kanila.
Natuklasan ng NBI na walang lisensya ang mga recruiter at may counterfeit immigration stamp sa passport ng isa sa kanila. Ayon sa ulat, kinumpiska ang mga passport ng biktima sa Cambodia at ipinagkait ang kanilang kalayaan sa paggalaw, at pinilit silang magsagawa ng scam laban sa mga banyaga.
Nakatulong ang Philippine Embassy sa Cambodia upang maibalik ang mga biktima sa Pilipinas.
Nagsampa ng reklamo ang NBI International Airport Investigation Division laban sa mga suspek para sa paglabag sa Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 at Qualified Trafficking in Persons. Isa sa mga recruiter ay nahaharap din sa kasong paggamit ng falsified documents.
Ani NBI Acting Director Angelito Magno, “The NBI remains relentless in its mission to dismantle predatory recruitment networks… if a job offer seems too good to be true, it is likely a trap. Do not trade your safety for a promise that isn’t real.” RNT/MND