Home METRO 3 sekyu huli sa Comelec gun ban

3 sekyu huli sa Comelec gun ban

JONES, Isabela – Tatlong security guards ang lumabag sa Comelec gun ban kung saan nakita ang dalawang shotgun sa loob ng kanilang sasakyan sa Comelec checkpoint sa Jones, Isabela.

Sa ipinarating na ulat kay PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, ang mga pinaghihinalaan ay security personnel na nagre-refill ng mga pera sa ATM Machines sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.

Galing umano sila sa lungsod ng Cauayan at patungong Maria, Aurora nang mapadaan sa checkpoint sa bayan ng Jones.

Habang nagsasagawa ng Comelec checkpoint, nakita ng mga kapulisan ang dalawang shotgon na nasa passenger seat ng sasakyan kaya naman agad nila itong hinanapan ng Certificate of Gun Ban Exemption.

May ipinakita naman umano silang papeles para sa certificate of exemption ngunit hindi pa ito aprubado dahil nasa proseso pa lamang sila ng aplkasyon kaya naman inaresto ang mga ito.

Paliwanag naman ng mga suspek, ang mga dala nilang baril ay para sa security purposes lamang dahil kinakailangan nilang magdala ng malalaking halaga ng pera sa kanilang trabaho at rehistrado ang mga bitbit nilang baril.

Nanindigan ng Comelec ang pagdadala ng baril sa pampublikong lugar nang walang certificate of exemption mula sa Comelec ay paglabag sa Election Gun Ban. Rey Velasco