MANILA, Philippines- Tinatayang aabot sa humigit-kumulang P3 milyong halaga ng kagamitan at ari-arian ang natupok ng apoy sa naganap na sunog sa isang residential area sa Sta. Ana, Maynila nitong Martes ng umaga.
Tatlo naman ang iniulat na sugatan sa pangyayari kabilang rito ang dalawang bumbero at isang sibilyan.
Sa report ng Bureau of Fire Protection-Manila, nagdeklara ng fire out bandang alas-12:09 ng tanghali kung saan itinaas ito sa ika-apat na alarma.
Nagsimula ang sunog sa three-storey residential na gawa sa light materials at pag-aari ng pamilya Ico kung saan unang nakitaan ng usok sa ground floor na bahagi ng bahay.
Mabilis na kumalat ang apoy kaya nadamay din ang nasa humigit-kumulang 100 kabahayan.
Sa naunang ulat, nahirapan ang mga bumbero dahil hindi makapasok ang mga fire truck bunsod na rin ng makikipot na mga eskinita.
Bukod dito, naubusan din ng tubig ang mga bumbero kaya naman ang ilang mga residente ay nagbayanihan at nag-igib ng tubig sa kani-kanilang gripo upang makargahan ang tangke ng mga maliliit na fire trucks.
Apektado sa sunog ang 300 pamilya na kapwa walang naisalba na gamit kundi ang kani-kanilang lamang sarili. Jocelyn Tabangcura-Domenden