MANILA, Philippines- Nakadepende ang posibleng pagbabalik ng Pilipinas sa International Criminal Court kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa Department of Justice nitong Martes matapos malantad sa House inquiry ang ilang alegasyon laban sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Sa House Quad Committee hearings, inilahad ni retired police colonel Royina Garma ang umano’y cash reward system sa extrajudicial killings (EJKs) ng drug suspects – na itinanggi ng mga kaalyado ni Duterte.
Nanawagan ang mga abogado tulad nina dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares sa pamahalaan na iendorso ang House proceedings sa ICC, na nag-iimbestiga sa drug crackdown.
Sinabi ng DOJ na ang Pangulo ang “chief architect” ng foreign policy ng bansa.
“As such, the Department will fully abide by and adhere to the President’s foreign policy direction on this matter,” ani DOJ Assistant Secretary Mico Clavano.
“We also acknowledge calls to rejoin the ICC,” dagdag ng opisyal.
Nitong Lunes, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi ieendorso ng pamahalaan ang quad comm findings sa ICC.
Halos 6,000 indibidwal ang napatay sa anti-drug operations sa ilalim ng administrasyong Duterte, batay sa opisyal na datos na ipinalabas ng Pilipinas, subalit sa pagtataya ng ICC prosecutors ay posibleng umabot ang death toll sa pagitan ng 12,000 at 30,000.
Kumalas ang Pilipinas sa ICC sa ilalim ng administrasyong Duterte noong 2019, na naglilimita sa saklaw ng imbestigasyon ng tribunal.
Wala namang ginawang hakbang si Marcos upang ibalik ang ICC membership ng Manila, kung saan iginiit ng Pangulo na mayroong umiiral na judicial system ang bansa. RNT/SA