MANILA, Philippines — Tatlong katao ang nasugatan matapos umigting ang tensyon sa isinagawang demolisyon ng gate ng isang resort sa Barangay Bolod, Panglao, Bohol.
Ipinatupad ng lokal na pamahalaan ang Writ of Mandamus na nag-uutos na alisin ang bakod at mga istruktura ng Marilou Resort (dating Dumaluan Beach Resort II) dahil umano sa pagharang sa isang barangay road papunta sa dalampasigan.
Pinangunahan nina Mayor Edgardo “Boy” Arcay at Provincial Legal Officer Handel Lagunay ang operasyon, katuwang ang demolition team at pulisya para sa seguridad.
Bagama’t boluntaryong inalis ng resort ang guard house, nagkaroon ng pagtatalo kung sakop ba ng kautusan ang main gate.
Iginiit ng kampo ng resort na may injunction umano mula sa korte at hiniling na ipagpaliban ang demolisyon, ngunit itinuloy ito ng mga awtoridad.
Ayon kay Lagunay, malinaw na bahagi ng obstruction ang gate kaya isinagawa ang demolisyon alinsunod sa utos ng korte.
Nagkagulo nang tangkain ng ilang empleyado ng resort na pigilan ang operasyon, kung saan may isang nawalan ng malay at tatlo ang nasugatan.
Nag-ugat ang isyu sa desisyon ng korte noong Nobyembre 11, 2025 na nag-aatas na linisin ang pampublikong daan mula sa anumang harang.
Samantala, kinondena ng pamilya Dumaluan ang demolisyon at iginiit na ito ay labag sa umiiral na utos ng korte, at binatikos ang umano’y labis na paggamit ng puwersa ng pulisya. RNT/JGC