MANILA, Philippines – Nanawagan si Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando ng masusing imbestigasyon kaugnay ng insidenteng naganap sa isang welga ng mga manggagawa sa labas ng planta sa Cabuyao, Laguna, kung saan inireklamo umano ang marahas na pagbuwag sa kanilang kilos-protesta.
Ayon kay San Fernando, iniulat ng mga manggagawa ng Package World Incorporated na habang nagsasagawa sila ng rally na ayon sa kanila ay may kaukulang permit, hinarap sila ng mga security personnel at pinasabuyan ng tubig, bagay na aniya’y dapat agad silipin ng mga kinauukulang ahensya.
“Kay Lucio Tan at Michael Tan, biruin mo bilyong-bilyon na iyong pera mo, humihingi lang ng makatwirang bahagi ang mga manggagawa, tapos anong igaganti mo?” pahayag ni San Fernando.
Sinabi rin ng mambabatas na may mga ulat umanong armado ng patalim ang ilang taong idineploy upang buwagin ang picket line. Dahil dito, iginiit niya na kailangang mag-imbestiga at alamin kung may nalabag na karapatan ng mga manggagawa at kung may pananagutan ang mga sangkot.
“Sa Department of Labor and Employment (DOLE), anong pinaggagawa ninyo diyan sa opisina ninyo? Ito na, malinaw na inuundayan sila ng saksak. Binomba na sila ng tubig. Tapos ang sasabihin ninyo, titingnan ninyo kung mayroong mga paglabag sa karapatan ng manggagawa. Nagpapalamig lang kayo sa mga opisina ninyo,” ani San Fernando.
Samantala, isang opisyal ng unyon ang nagsabing firetruck umano ng Asia Brewery ang ginamit sa pagpapasaboy ng tubig sa mga nagwewelga, sa kabila ng umano’y pagsunod nila sa mga rekisito para sa kanilang kilos-protesta.
“Kinalas nila lahat ng mga tarpaulin namin. Binaklas nila lahat ng gamit namin. Iyon na, binomba na kami lahat-lahat. Sinasaktan na ang mga kasamahan ko,” ayon sa opisyal ng unyon.
Ayon pa sa mga manggagawa, wage increase at mas maayos na benepisyo ang kanilang pangunahing kahilingan. Inilahad din nila na may ilan sa kanila na hindi pa rin regular kahit matagal nang nagtatrabaho.
“Sa management po, nakikiusap kami nang maayos. Ang laki-laki ng kinikita ninyo. Samantalang iyong amin, kulang na nga sa pangkain araw-araw. Sana naman kaming mga maliliit, mabigyan ninyo ng pansin,” dagdag ng opisyal.
Nanawagan si San Fernando sa DOLE na imbestigahan ang insidente at tiyaking mapoprotektahan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa.
“Hindi natin palalampasin ito. Ang laban ng mga manggagawa ng Package World ay laban ng lahat ng manggagawa,” aniya. RNT