MANILA, Philippines — Tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang inaresto ng pulisya matapos makumpiska ang mahigit P2 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Cebu City nitong Lunes ng gabi, Disyembre 29.
Sa ulat ng Cebu City Police Office (CCPO), sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency–Central Visayas (PDEA-7), kabuuang 315 gramo ng hinihinalang shabu ang narekober sa dalawang barangay sa lungsod.
Dakong alas-9:00 ng gabi nang arestuhin ng mga operatiba ng Abellana Police Station ang dalawang high-value individuals sa kahabaan ng Urgello Street, Barangay Sambag 1.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Enting,” 33, residente ng Barangay Napo, Carcar City, at alyas “Winston,” 24, residente ng Urgello Street, Barangay Sambag 1, Cebu City.
Nakumpiska mula sa dalawa ang tinatayang 150 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P1.2 milyon.
Makalipas ang ilang oras, dakong alas-11:05 ng gabi, isa pang high-value individual ang nadakip ng mga tauhan ng Mabolo Police Station sa hiwalay na buy-bust operation sa Barangay Banilad.
Narekober mula sa suspek ang humigit-kumulang 165 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1,122,000, pati na ang mga drug paraphernalia.
Isinailalim na sa laboratory examination ng Cebu City Forensic Unit 7 ang lahat ng nakumpiskang droga.
Nanatili sa kustodiya ng pulisya ang tatlong suspek habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC