MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang tatlong tulak ng illegal na droga sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Cavite nitong Martes at Miyerkules, Agosto 19 at 20.
Nakumpiska sa mga operasyon na ito ang P541,000 halaga ng shabu at armas.
Naaresto ng Dasmariñas City police drug enforcement unit si “Edward” at “Heidelyn” matapos pagbentahan ng isang pack ng shabu ang undercover police sa Barangay Paliparan 3 bandang alas-2 ng madaling araw nitong Miyerkules, iniulat ng Police Regional Office 4.
Narekober sa dalawa ang apat na plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 57.63 gramo at nagkakahalaga ng P391,884 kasama ang hindi dokumentadong .45 caliber pistol na kargado ng isang bala.
Sa report, tinukoy si Edward bilang high-value individual habang si Heidelyn ay street pusher.
Samantala, naaresto ng mga awtoridad ang isa pang tulak na si “Estrella” sa ikinasang operasyon sa Barangay Alapan 2-B, Imus City bandang 9:20 ng gabi ng Martes.
Nakamarka ang suspek bilang street pusher sa lugar at nakuhanan ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 22 gramo at nagkakahalaga ng P149,600.
Nakuha rin ng pulisya ang motorsiklo na pinaniniwalaang ginagamit ng suspek sa kanyang mga transaksyon.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang tatlong suspek at nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Sinampahan din ng reklamong illegal possession of firearm sina Edward at Heidelyn. RNT/JGC