NEGROS ORIENTAL, Philippines – Nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga ang tatlo sa mga suspek sa pagpatay sa American marine biologist na si Dr. Kent Carpenter sa Sibulan, Negros Oriental, ayon sa pulisya.
Kinilala lamang ang mga suspek sa mga alyas na M.O., J.F., at C.D. Dalawa sa kanila ang naaresto matapos ang krimen, habang ang isa ay kusang sumuko.
Ayon sa pulisya, isasama ang resulta ng drug test bilang ebidensya sa kasong robbery with homicide na isinampa laban sa mga suspek.
May natukoy na rin umanong ikaanim na person of interest matapos siyang ituro ng ibang mga suspek. Gayunman, hindi pa malinaw ang kanyang naging papel sa insidente.
Nilinaw rin ng pulisya na hindi kabilang sa mga suspek ang kapatid ng Filipina live-in partner ni Carpenter.
Batay sa imbestigasyon at CCTV footage, limang suspek ang nasa bahay ni Carpenter sa Barangay Ajong noong Hulyo 12. Tatlo ang umano’y pumasok sa bahay habang dalawa ang nagsilbing lookout.
Samantala, na-cremate na ang labi ng 73-anyos na siyentipiko at dadalhin ito sa Silliman University Church para sa necrological service.
Si Carpenter ay isang kilalang marine scientist at adjunct professor ng Silliman University. Kinilala siya sa kanyang malaking ambag sa pag-aaral ng marine biodiversity sa Pilipinas, kabilang ang pagtukoy sa Verde Island Passage bilang “Center of the Center” ng marine shore fish diversity sa mundo. RNT/MDS