TACLOBAN CITY – Arestado sa Pasay City ang tatlong suspek sa pagpatay kay dating Abuyog, Leyte Vice Mayor James Bohol at anak nitong si Carlo James, ayon sa Police Regional Office-8 (PRO-8).
Natagpuang patay ang mag-ama sa Barangay Imelda, Silago, Southern Leyte noong Martes, Hunyo 30, matapos silang dukutin sa kanilang bodega sa Barangay Santa Cruz, Mayorga, Leyte. Sa paunang imbestigasyon, lumabas na nagtamo sila ng mga saksak. Nakatali rin umano ng alambre ang kanilang mga kamay, nakagapos ang bibig, at itinapon ang mga bangkay sa isang bangin.
Naaresto ang mga suspek, pawang residente ng Basey, Samar, sa tulong ng Anti-Kidnapping Group at Criminal Investigation and Detection Group matapos matunton ng mga awtoridad ang mga sasakyang umano’y ginamit sa krimen.
Ayon kay Police Brig. Gen. Jason Capoy, director ng PRO-8, natukoy ng mga imbestigador ang iniwang Mitsubishi GLX Mirage sa Barangay Tingib, Basey. Nakatulong ang Global Positioning System footage recorder na ibinigay ng car rental company upang masundan ang galaw ng mga suspek at matukoy ang lugar kung saan natagpuan ang mga biktima.
Lumabas din sa imbestigasyon na inabandona ng mga suspek ang isang Toyota Hilux sa Sariaya, Quezon bago sila naaresto sa Pasay City.
Batay sa imbestigasyon, ang suspek na kinilalang si Mak ay umano’y humingi kay James Bohol ng palugit sa pagbabayad ng tseke. Iginiit umano nito na nagbanta si Bohol laban sa kanya at sa kanyang pamilya, dahilan upang dukutin ang mag-ama. Sinabi rin ng pulisya na nauwi sa pagtatalo ng isa sa mga kasamahan ni Mak at ni Carlo James ang insidente na humantong sa pagpatay sa mga biktima.
Patuloy ang follow-up investigation ng pulisya. Dave Baluyot