MANILA, Philippines – Umakyat na sa 88 ang bilang ng mga nasawi sa magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Maasim, Sarangani at mga karatig-lalawigan noong Hunyo 8, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa pinakahuling situational report na inilabas nitong Miyerkules, sinabi ng NDRRMC na mas mataas ito ng pito kumpara sa naitalang 81 nasawi noong Hunyo 26.
Sa kabuuang bilang, siyam lamang ang kumpirmadong namatay dahil sa lindol at pawang mula sa Region 11 (Davao Region). Samantala, patuloy pang bineberipika ang 79 iba pang nasawi, kabilang ang 12 mula sa Region 11 at 67 mula sa Region 12 (Soccsksargen).
Nananatili naman sa 1,316 ang bilang ng mga nasugatan, habang 24 katao ang patuloy na nawawala.
Aabot sa 391,275 pamilya o katumbas ng 1,679,152 indibidwal mula sa 627 barangay sa Regions 9 (Zamboanga Peninsula), 11, 12 at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang naapektuhan ng lindol.
Iniulat din ng NDRRMC na umabot sa 113,279 bahay ang napinsala, kung saan 94,919 ang bahagyang nasira at 18,360 ang tuluyang nawasak. Nilinaw ng ahensya na ang lahat ng datos ay patuloy pang bineberipika at maaaring magbago. Santi Celario