Home HOME BANNER STORY Survivor sa Tacloban school shooting, ‘binaril sa likod ng sariling bespren’

Survivor sa Tacloban school shooting, ‘binaril sa likod ng sariling bespren’

2
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Isang estudyanteng nakaligtas sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22 ang umano’y binaril sa likod ng sarili niyang matalik na kaibigan, ayon sa testimonya sa pagdinig ng Senado nitong Miyerkules.

Sinabi ni Janica Bituin sa Senate Committee on Women na kabilang ang kanyang nakababatang kapatid na si Gerric Bituin sa mga nasugatan nang magpaputok ng baril ang dalawang menor de edad na may edad 14 at 15, na ikinasawi ng tatlong estudyante.

Ayon kay Janica, ang 14-anyos na suspek na nakilala lamang sa alyas na Nash ay dating kaklase at matalik na kaibigan ni Gerric noong Grade 8.

“Sa katunayan, magkaibigan sina Gerric at Nash. Magkaklase sila noong Grade 8, at si Nash pa ang matalik niyang kaibigan noong mga panahong iyon,” ani Janica.

Ikinuwento ni Janica na napansin umano ni Gerric na kakaiba ang ikinikilos ni Nash habang isinasagawa ang flag ceremony at tila may hinahanap itong isa pa nilang kaibigan.

“Sinabi ni Gerric na naghinala siya noon dahil napansin niyang iba ang kilos at disposisyon ni Nash kumpara sa nakasanayan,” dagdag ni Janica.

Aniya, una nilang narinig ang tila pagsabog bago lumapit ang putok ng baril. Nang sumilip si Gerric sa bintana ng silid-aralan, nakita niya si Nash na nakasuot ng maskara at may dalang baril kasama ang isa pang suspek.

“Ayon kay Gerric, nakasuot ng maskara si Nash at ito lamang ang nakita niyang may hawak na baril. Pagkatapos nito, nagtungo umano ang dalawang suspek sa silid-aralan sa kabilang bahagi ng pasilyo. Inutusan naman ng kanilang guro si Gerric at ang kanyang mga kaklase na lumipat sa mas ligtas na puwesto,” ani Janica.

“Habang lumilipat si Gerric, hindi nila namalayang nasa likuran na pala ng kanilang silid-aralan si Nash. Nang tatayo na sana siya, binaril siya. Tinamaan siya habang nakatalikod,” dagdag pa niya.

Ayon kay Janica, inilarawan ni Gerric si Nash bilang mabait at palakaibigan bago naganap ang insidente.

Sa parehong pagdinig, sinabi naman ni Rolando Lapidario na binaril ang kanyang anak na si Kaye matapos nitong isara ang pintuan ng kanilang silid-aralan upang maprotektahan ang kanyang mga kaklase habang papalapit ang mga suspek.

“Matapos marinig ang mga putok ng baril mula sa silid-aralan sa kabilang bahagi ng pasilyo, nagtungo umano ang dalawang suspek sa kanilang silid. Mabilis na isinara ni Kaye ang pinto, ngunit agad siyang binaril pagkatapos noon,” ani Rolando.

“Siya lamang ang tinamaan ng bala dahil sinisikap niyang maprotektahan ang kanyang mga kaklase. Isinara niya ang pinto ng silid-aralan. Ayon sa kanila, kung hindi niya iyon nagawa, mas marami pa sanang estudyante ang maaaring nabaril,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Rolando na agad siyang na-text ng kanyang anak tungkol sa nangyari habang nasa bukid siya noong oras ng pamamaril. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here