MANILA, Philippines – Ayon sa Social Security System (SSS), magpapatupad ito ng Pension Reform Program na nagtatampok ng structured na tatlong taong pagtaas ng pensiyon para sa lahat ng mga pensiyonado nito.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ng SSS na ang pagtaas ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nilalayon nitong i-angat ang lahat ng pensiyonado sa pamamagitan ng inclusive benefit adjustments, makabawi sa inflation, at isulong ang halaga ng pagtatrabaho at pag-iipon.
Ang pagtaas ay ipapatupad sa tatlong taunang tranches tuwing Setyembre.
Ang mga retirement at disability pensioner sa Agosto 31 sa taong ito ay magkakaroon ng 10% increase simula Setyembre.
Ang death or survivor pensioners naman ay magkakaroon ng 5% increase sa pensiyon.
Ang mga pensiyonado mula Agosto 31, 2026 hanggang Agosto 31, 2027 ay makakatanggap din ng parehong pagtaas simula Setyembre 2026 at Setyembre 2027.
“After three years, pensions will have increased by approximately 33 percent for retirement or disability pensioners and 16 percent for death or survivor pensioners,” ayon sa SSS.
Ang SSS Pension Reform Program ay inaprubahan ng Social Security Commission (SSC) sa ilalim ng Resolution No. 340-s.2025 na may petsang Hulyo 11, 2025.
“We’ve heard the clamor for higher pensions loud and clear,” saad ni SSS President at CEO Robert Joseph de Claro.
“With the guidance of Finance Secretary and SSC Chairperson Ralph G. Recto, and after careful actuarial review, we are rolling out a rational and sustainable pension increase that uplifts all pensioners without compromising the fund’s actuarial soundness,” dagdag niya.
Sinabi ng SSS na ang reform program ay hindi mangangailangan ng anumang pagtaas sa kontribusyon at inaasahang makikinabang ang 3.8 milyong pensioners kabilang ang 2.6 milyong retirement at disability pensioners at 1.2 milyong survivor pensioners.
Ito ay inaasahang mag-pasok ng P92.8 bilyon sa ekonomiya mula 2025 hanggang 2027. RNT/MND