Home METRO 3 todas sa Maguindanao del Sur ambush

3 todas sa Maguindanao del Sur ambush

MANILA, Philippines- Patay ang isang babae ang anak nitong sanggol na babae at driver sa pananambang nitong Huwebes sa Barangay Mileb, Rajah Buayan, Maguindanao del Sur.

Kinilala ng mga pulis ang mga biktimang sina Harrah Jinn Utto Lumenda, tatlong buwan niyang anak at driver na si Nunokan Manalindo, kapwa residente ng Rajah Buayan.

Sugatan din ang kaanak ni Lumenda na si Bai Kong Lumenda Utto. Dinala siya sa ospital.

Papunta ang mga biktima sa Barangay Gaunan nang tambangan sila, base sa mga pulis.  

Iniimbestigahan ng mga pulis ang rido bilang posibleng motibo at tinutugis ang ilang persons of interest sa likod ng pag-atake.

Sinisilip ang anggulo sa kabila ng pahayag ng mga kaanak na walang kaaway ang mga biktima.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang .45 caliber pistol shells.

Inihayag ni Rajah Buayan Mayor Bai Maruja Ampatuan Mastura na wala siyang ideya tungkol sa motibo subalit idinagdag na si Lumenda ay asawa ng isang security escort.

Hinikayat naman ang mga taong may impormasyon sa insidente na makipagtulungan sa mga pulis para sa agarang pagresolba sa insidente. RNT/SA