Home METRO 3 Tsino na nagpanggap na Pinoy, naaresto sa Zambo

3 Tsino na nagpanggap na Pinoy, naaresto sa Zambo

199
0

MANILA, Philippines – Naalarma ang Bureau of Immigration (BI) sa patuloy na paggamit ng mga iligal na nakuha o pekeng Filipino identity, matapos arestuhin ng ahensiya ang apat na hinihinalang banyagang nagpapanggap bilang mga Pilipino sa Zamboanga del Sur.

Ang serye ng pag-aresto ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng BI laban sa mga dayuhang gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nananatiling hamon ang iligal na paggamit ng Filipino identity, kung saan may mga banyagang nakakakuha ng tunay na dokumento ng Pilipinas kahit hindi sila kuwalipikado bilang mamamayang Pilipino.

Aniya, may posibilidad na ang mga dayuhang ito ay may layuning maniktik o magsagawa ng mga ilegal na aktibidad sa bansa.

Ibinahagi ni Viado na ang operasyon ay isinagawa ng BI Intelligence Division sa Region 9, katuwang ang mga yunit ng Philippine Army, Armed Forces of the Philippines, at 53rd Infantry Battalion.

Unang inaresto si Wang Yunpeng, 46, sa Purok Magallanes, Barangay Tikwas, Dumalinao, Zamboanga del Sur noong Hunyo 16. Napag-alamang nagpapanggap si Wang bilang isang Pilipino at may hawak umanong dokumento na nagpapatunay sa kanyang pekeng nasyonalidad. Inamin rin umano ni Wang na nag-ooperate siya ng coconut charcoal business simula pa noong 2022 nang walang kaukulang permit o visa.

Kasama rin niyang inaresto si Liu Yang, 45, na natuklasang nagtatrabaho rin sa nasabing negosyo nang walang sapat na dokumento.

Samantala, si Lin Shaozhang, 34, na namamahala umano sa nasabing negosyo, ay naaresto rin noong araw ding iyon sa isang shopping center sa Molave, Zamboanga del Sur. May hawak umano si Lin na Philippine Driver’s License na nagpapakita na siya ay Pilipino.

Isa pang dayuhan na kinilalang si Wang Jingcai, 41, isang Chinese national, ay natuklasang nagpapatakbo ng isang tindahan ng cellphone. Tulad ni Lin, may driver’s license din siyang nagsasaad na siya ay Filipino.

Dinala ang mga naaresto sa Zamboanga del Sur Provincial Police Office para sa imbestigasyon, police blotter, at pansamantalang kustodiya. Kinabukasan ay inilipat sila sa BI facility sa Bicutan, Taguig kung saan sila pansamantalang mananatili habang nahaharap sa kasong deportation. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here