Home ENTERTAINMENT Claudine, inabswelto sa alegasyong nag-chuchu kay Cristy!

Claudine, inabswelto sa alegasyong nag-chuchu kay Cristy!

Manila, Philippines – Muling nabuhay ang alitang pampamilya sa pagitan ng Barretto sisters matapos ang pagtatapat ni Claudine Barretto tungkol sa kanilang alitan ni Marjorie, na lumabas sa vlog ni Jobert Sucaldito.

Ayon kay Claudine, pinagbintangan siyang nag-chuchu (nagbulgar ng impormasyon) sa beteranang showbiz journalist na si Cristy Fermin hinggil sa dahilan ng pisikalan na nangyari sa pagitan ni Marjorie at ng dating asawa nito na si Dennis Padilla.

Sa isang interview kay Ogie Diaz, inilahad ni Marjorie na naapektuhan ang kanyang eardrum dahil naging battered wife siya ni Dennis.

Ngunit ayon sa host ng “Showbiz Now Na,” mayroong source na nagsabing nasaktan si Marjorie dahil hiniwa raw niya ang likod ni Dennis.

Sa kabila nito, ipinahayag ni Cristy na inaabswelto niya si Claudine at pinanindigan na hindi niya ipinagkanulo ang kanyang source.

Muling nagsalita si Cristy dahil naaawa siya kay Claudine na nalalagay sa maling akusasyon.

Sinabi rin niyang si Marjorie ang unang nagtanong sa talent manager na si Dolor Guevarra kung may kinalaman siya sa pagkakalantad ng impormasyon tungkol kay Claudine.

Nagbanta umano si Marjorie na sisisingawin ang isyu ni Claudine at ang ex nitong si Raymart Santiago bilang ganti.

Nagtataka si Cristy kung bakit hindi siya direktang kinukumpirma ni Marjorie, kahit na madali naman daw siyang makontak.

Naniniwala si Cristy sa sinabi ni Claudine na hindi layunin nitong panigan ang kapatid ni Dennis na si Gene, na may alitan kay Marjorie.

Aniya, ang pagkakasama ni Claudine kay Gene ay dahil lamang sa trabaho at maaaring na-misinterpret ni Marjorie bilang panig sa kampo ng mga Padilla.

Matatandaang nagkaroon ng tensyon sina Dennis at Gene dahil sa diumano’y hindi magandang pagtanggap sa kanila mula sa kampo ni Marjorie sa kasal ni Claudine. Archie Liao