Nasagip sa isinagawang rescue operation ng Parañaque City police ang isang babaeng Vietnamese national na kinidnap ng tatlong Chinese national sa isang residential resort Martes ng gabi, Agosto 6.
Kinilala ni Parañaque City police chief P/Col. Melvin Montante ang biktimang turista na Vietnamese national na isang nagngangalang Lang, 23, habang nasa kustodiya naman ng mga awtoridad ang tatlong inarestong suspects na sina alyas Jun, 31; alyas Hao, 27; at isang alyas Zhang, 26, mga kapwa empleyado.
Sa isinagawang operasyon ng Parañaque City police ay nasagip ang biktima dakong alas 8:00 ng gabi sa isang residential resort na matatagpuan sa Barangay Tambo, Parañaque City.
Sinabi ni Montante na nag-ugat ang rescue operation makaraang makatanggap ang Tambo police Substation ng tawag mula sa security personnel ng residential resort na may nangyayaring insidente ng kidnapping sa lugar.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Tambo police Substation at tinungo ng mga ito kabilang ang mga security personnel ng nabanggit na gusali ang condo unit ng mga suspects kung saan nai-rescue ang biktima na naagresulta na rin sa pagkakaaresto ng mga suspects.
Bukod sa pagrescue ng biktima at pagdakip sa mga suspect ay narekober din sa posesyon ng mga suspects ang mga operatiba ng isang .9mm Taurus pistola na may magazine na kargado ng apat na bala; isang .9mm C2 P-07 9mm pistola na may magazine na kargado naman ng pitong bala; isang .22 North American Ans Black Widow Magnum revolver; iba’t-ibang klawe ng bala na kinabibilngan ng pitong bala ng .9mm at isang bala ng 12-gauge shotgun; ₱236,000 cash; ilang electronic devices kabilang ang Apple iPad, Apple MacBook Air at pitong iPhones; isang Chinese passport sa ilalim ng pangalan ng isang alyas Liu; isang Vietnamese passport sa ilalim ng pangalang alyas Dong; isang set ng LTO Vehicle License Plates (CBP7996); isang Matte Black Ford Ranger Sport; 76 na hinihinalang ecstasy tablets na nagkakahalaga ng ₱129,200; at limang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga naman ng ₱34,000.
Nahaharap sa patung-patong na kaso na Robbery, Grave Coercion, Illegal Detention at paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspects sa Parañaque City Prosecutor’s Office habang karagdagang kaso naman na Robbery ang isasampa sa Pasay City Prosecutor’s Office laban din sa mga suspects. (James I. Catapusan)