MANILA, Philippines – Kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng Ombudsman na sibakin sa pwesto si Mexico Pampanga Mayor Teddy Tumang at tatlong opisyal ng naturang bayan dahil sa pagbili ng mga construction materials noong 2008 ng hindi idinaan sa bidding.
Sa 32 pahinang desisyon ng CA 8th Division, dapat managot sa kasong grave misconduct sina Tumang at municipal engineer at bids and awards committee (BAC) vice chairman Jesus Punzalan, administrative officer Luz Bondoc at municipal accountant Perlita Lagman.
Una nang inireklamo ng Field Investigation Bureau ng Office of the Deputy Ombudsman for Luzon (FIB-OMB) ang apat na opisyal noong January 12, 2018 dahil sa pagbili ng base course at iba pang construction materials sa Buyu Trading and Construction para sa pagsasaayos at pagsemento ng mga kalsada.
Binili ang mga kagamitan sa pamamagitan ito ng CA shopping, isang alternatibong paraan ng pagbili.
Ayon sa FIB-OMB ang paghingi ng quotation para sa materyales sa tatlong dealers at ang pagawadng kontrata ay isinagawa Mayo 2008 na nauna pa sa BAC resolution na nagootorisa ng pagbili ng mga kagamitan sa panamagitan ng shopping.
Ang pondo sa pagbili ng mga materyales ay inilabasat inaprubahan ni Tumang na walang kaukulang pirma at
certification ng municipal accountant.
Kinuha ang Buyu kahit kwestyunable ang kakayanan nito bilang supplier batay sa ulat ng fraud auditors ng Commission on Audit (COA).
Sa desisyon ng CA 8th division na pinonente ni Associate Justice Myra Garcia-Fernandez, ibinasura nito ang motion for review ng mga respondent dahil sa kawalan mg merito.
Sinabi ng CA na maari lamang gamitin ang alternative mode na shopping kapag may hindi inaasahan na pangyayari ngunit kailangan na bumili.
Maari din ito kapag hindi lagpas sa P50,000 ang gagastusun at ang mga bibilhin ay mga simpleng materyales lamang.
Hindi tinangap ng appellate court ang depensa ng mga respondent na binili ang base course materials bilang paghahanda sa inaasahan na pagkasira ng mga kalsada dahil samalakas na pag ulan.
Sinabi ng CA na ang base course at ang mga biniling construction materials ay hindi maituturing na ordinaryo at regular na office supplies at equipment.
Bukod sa pagsibak sa pwesto binawalan na rin ang mga redpondent na makuha ang kanilang mga benepisyo sa pamahalaan at hindi na maaring manungkulan pa sa anumang sangay ng pamahalan. Teresa Tavares